Ang Bintana sa Ospital by Virginia Ferrer

 CTFLC would like to share the poem, “Ang Bintana sa Ospital”, composed by Virginia Ferrer.

ANG BINTANA SA OSPITAL
(Adaptayson ni Virginia Ferrer)

Sa ‘sang di-kalayuang ospital sa labas ng lungsod
may dalawang lalaking pasyente duo’y nakabukod
kapwa matanda’t mahina na kanilang mga tuhod
kontento na silang dalawa at walang pagkabagot.

Ang isa ay hinahayaan na maupo sa kama
ng isang oras sa hapon para makapagpahinga
at tuloy makaunat sa maghapong pagkakahiga
para tumulo ang tubig na mula sa kanyang baga.

Malapit ang kama niya sa nag-iisang bintana
ng kanilang kuwartong di-mapagkakailang luma
ang isang lalaki naman ay lagi lang nakahiga
at hindi na nakakatayo at talagang malubha.

Maraming napag-uusapan ang dalawang pasyente
sa maghapong singkad mula umaga hanggang gabi
tungkol sa asawa’t mga anak, masaya’t mabuti
mayroon din namang malungkot na ayaw nang masabi.

Napag-uusapan din nila kanilang kabataan
ang kanilang trabaho, madestino kung saan-saan
ang kanilang bakasyon, mga maliligayang araw
‘di mapigilan ang maluha sa pagkukuwentuhan.

Tuwing hapong ang lalaki’y uupo sa may bintana
ay nagkukuwento siya sa lalaking nakahiga
mga tanawin na magaganda at nakakamangha
ang lalaking nakahiga naman hayu’t tuwang-tuwa.

Napakahalaga ng isang oras na kuwentuhan
para sa lalaking palagi na lamang sa higaan
mundo niya’y napapalawak at muling nabubuhay
sa bawat kuwentong naririnig sa galaw ng buhay.

“Sa labas ng bintana’y matatanaw ang isang lawa
na kung saan ay maraming bibe ang s’yang naglipana
habang naglalanguyan lahat sila ay tuwang-tuwa
mga batang nanunuod hayan nga at basang-basa.”

“Ilang kabataan naman laruang bangka ang hawak
masayang pinapaanod sa tubig na walang sindak
may magkasintahan din sa paligid ay naglalakad
sa kanilang mukha pagmamahalan ay mababakas.”

“At kung iyon namang tatanawin duon sa malayo
mukha namang napakalapit ng kabilang ibayo
nagtataasang gusali ang sabi nila’y magulo
pero nakakabighani ang mga ilaw sa puno.”

“Sa ibaba’y maaaliw ka sa ganda ng halaman
naggagandahang bulaklak na kay gaganda ng kulay
hindi ko na nga alam kung alin ang aking titigan
idagdag mo pa diyan ang bango na kanilang taglay.”

Habang sinasabi ng lalaki’ng kanyang nakikita
lalaking nakahiga naman ay tuloy ang pagdama
nitong mga kuwento na tunay na magaganda
naglalaro na lang sa isip habang pikit ang mata.

Isang hapon naman nuon na medyo maalinsangan
kuwento ng lalaki’y may parada na dumadaan
at kahit wala s’yang nadidinig na anumang ingay
nakikita niyang lahat ito sa kanyang isipan.

At dumaan pa ang maraming mga araw at linggo
isang umaga’y dumating ang nars sa kan’lang kuwarto
dala ang tubig na gamit sa kanilang paliligo
laking gulat n’ya sa lalaking laging nagkukuwento.

Wala na itong buhay at hindi na siya nagising
sa kaniyang pagkakatulog at sobrang pagkahimbing
mabilis siyang tumawag ng kanyang kakatulungin
upang ang bangkay ng lalaki ay madaliang alisin.

Nang ayos na’ng lahat ang lalaking naiwa’y nagwika
kung sana daw siya ay mailipat sa may bintana
nagpaunlak naman ang nars at nang lahat ay magawa
nagpaalam muna siya’t nagpunta na sa ibaba.

Dahan-dahan, pinilit tumayo’t tinukod ang siko
makadungaw sa bintana at makita n’ya ang mundo
ngunit ang tumambad sa kanya isang pader na blanko
at sa pangyayaring iyon ang lalaki ay nanlumo.

Tinanong ng lalaki ang nars ng muli ‘tong dumating
kung bakit ang lalaki sa kanya ay nagsinungaling
bakit pinaniwala s’ya ng magagandang tanawin
at sinasabi na siya naman niyang kinakaaliw.

At nang sabihin ng nars na ang lalaki pala’y bulag
ay lalo pa ngang nadagdagan ang kanyang pagkagulat
marahil ay gusto ka lamang ni’yang aliwin ng sapat
at maging masaya para mabuhay pa ng maluwat.

Wala nang iba pang sasaya sa ‘yong nararamdaman
kung makapagpapaligaya ka ng isang nilalang
lalo na’t alam na alam mo ang kanyang karamdaman
doble ang saya nito sa sinumang babahaginan.

Comments

Popular posts from this blog

CRUZ, SUHSD Teacher of the Year 2024

Celebrating a Life of Service and a Life Fulfilled - Dr. Atilio Alicio

“Dalawang Baybayin/Two Shores”, a Virtual intercultural Exchange Program a Success!