SA FAEAC CONFERENCE

Ika-29-30 ng Setyembre, 2017, San Diego Handlery Hotel
Sinulat ni Myrna P. Ablana

Dalawang araw po, doon sa Handlery
Ang CTFLC, talagang marami
Sama-sama sila, saan man pumunta
Bitbit itim na bag, palaging masaya.
 
Ang pagkain doon, masarap talaga
Isda, manok, gulay, may panghimagas pa
Ang mga usapan, nakabubusog din
At pinapayabong, isip at damdamin
 
Ang mga presenters ay nakakamangha
Talino at sipag, pati na ang t’yaga
Lahat nakikinig, sa bawat salita
Kaalamang taglay, bigay ni Bathala.
 
Laging tulong-tulong, anuman ang gawin
Di pababayaan, ang pamilya natin
Nagbibigay ngiti, lahat ng sabihin
Kasi minamahal, tuwina’y kapiling.
 
Tahimik na kuwarto ni Ador at Sally
Ginawang bihisan ng nakararami
Napuno ang lugar ng mga halakhak
Mga puso nila ay puspos ng galak.
 
Magagandang terno at mga kimona
Pinagtitinginan ng mga bisita
Aba! nang dumating ang mga esposo
Tulad ni Adonis, napakaguguwapo.
 
At sa dance floor naman, di kayang bayaran
Ang indak at galaw, di matutumbasan
Ang kembot ng baywang at kunday ng kamay
Yugyog ng katawan, KAYSARAP NG BUHAY.
 
Maraming salamat sa Poong Maykapal
Biyaya sa atin ay ang pagmamahal
Pagtulong sa kapwa, na ating layunin
Sa aking palagay ay nakamtan natin.

Comments

Popular posts from this blog

CRUZ, SUHSD Teacher of the Year 2024

Celebrating a Life of Service and a Life Fulfilled - Dr. Atilio Alicio

“Dalawang Baybayin/Two Shores”, a Virtual intercultural Exchange Program a Success!